15th Development Policy Research Month Q&A (Filipino version)

 
Tungkol sa DPRM
 
1)      Tungkol saan ang Development Policy Research Month?
 
Alinsunod sa Presidential Proclamation 247 na nilagdaan noong Septyembre 2002, ipinagdiriwang ang Development Policy Research Month o DPRM tuwing buwan ng Setyembre upang hikayatin ang mga lider at ang publiko  sa bansa na pahalagahan ang evidence-based research sa pagpaplano ng mga programa at pagbabalangkas ng mga polisiya. Layunin ng DPRM na himukin ang pagsasagawa ng maayos, sistematiko, at de-kalidad na pananaliksik bilang mahalagang bahagi ng pagbabalangkas at pagsusuri ng mga polisiyang pang- sosyoekonomiko.
 
2)     Ano ang papel ng Philippine Institute for Development Studies sa pagdiriwang ng DPRM?
 
Bilang pangunahing socioeconomic think tank ng bansa, nagsasagawa ang PIDS ng iba't ibang aktibidad upang maipakita ang kahalagahan ng policy research at mahikayat ang publiko na makilahok dito. Sa buong buwan ng Setyembre, nagsasagawa ang PIDS, kasama ang mga miyembro ng steering committee ng DPRM, ng mga policy seminar at mga dialogue, mga press conference, at mga roundtable discussion kasama ang iba’t-ibang institusyon, fellow researchers, planning advisers, policymakers, at ang media. Ipinapakita ng mga aktibidad na ito ang sama-samang pagtutulungan ng mga ahensya upang bigyang-diin ang kahalagahan ng evidence-based policymaking.
 
3)     Bakit kailangan magdeklera ng DPRM?
 
Ang policy research ay mahalaga para sa epektibong pagpapaplano at pagbabalangkas ng mga polisiya. Kailangang magmula sa matibay na ebidensya ang mga polisiya at sumailalim sa masusing pag-aaral. Ito ang binibigyang-diin ng DPRM. Layunin din ng DPRM na palawigin ang kaalaman ng mga tao tungkol sa kahalagahan ng policy research sa pagbabalangkas ng mga programa at polisiya at paalalahanan ang mga mambabatas na mayroon tayong mga pag-aaral at iba pang mga kahalintulad na batayan na maaaring makatulong sa kanilang decision-making process.
 
4)     Ano ang tema ng DPRM ngayong taon?
 
Nakasentro ang pagdiriwang ng DPRM ngayong taon na ito sa temang  "Pagpapatibay sa Desentralisasyon sa Kaunlarang Panrehiyon" upang bigyang-halaga ang malalim na repleksyon at evidence-based research hindi lamang tungkol sa iminumungkahing pagbabago sa anyo ng gobyerno tungo sa pederalismo kundi pati na rin ang kabuuang reporma ng desentralisasyon sa bansa. Sa pamamagitan ng iba't ibang aktibidad ng DPRM na isasagawa ng PIDS para sa taong ito, tulad ng mga press conference, regional fora, radio and TV appearance, at ng Third Annual Public Policy Conference na may temang"Critical Perspectives on Federalism for Regional Development ", layuning itaguyod ng ahensiya ang mas malawak na pagtalakay sa mga isyu at reporma ukol sa desentralisasyon base sa mga masusing pananaliksik, kabilang na ang mga debate kaugnay ng pederalismo.
 
Tungkol sa desentralisasyon
 
5)     Ano ang lawak ng desentralisasyon sa mga lokal na pamahalaan o LGUs?
 
Bago pa isabatas ang Local Government Code of 1991 o Republic Act No. 7160, kabilang sa mga pangunahing tungkulin ng LGUs ang pagpapataw at pangongolekta ng mga lokal na buwis, pagpapatupad ng regulasyon hinggil sa negosyo, gayundin ang koleksiyon ng basura at pangangasiwa ng mga pampublikong sementeryo, mga pampublikong pamilihan, at slaughterhouses.
 
Sa pagsasabatas ng nasabing Code, nabigyan ang LGUs ng mas malawak na kapangyarihan, awtoridad, pananagutan, at yaman alinsunod sa pinagkakaloob nito.
 
 Isinasaad din ng Code ang pangunahing hakbang tungo sa desentralisasyon. Naging daan ito upang mabigyan ang LGUs ng mas malawak na awtonomiya, expenditure responsibility, at revenue authority. Higit sa lahat, inilipat nito ang  ilang mga tungkulin ng national government sa LGUs, tulad ng pangangasiwa ng kalusugan, agrikultura, mga gawaing pampubliko, kapaligiran, at mga serbisyong panlipunan.
 
 [Pinagmulan: Presentasyon ni Atty. Anna Mae Pegregosa ng opisina ng OIC DILG Kalihim Catalino Cuy]
 
6)     Ano ang mga hamon na kinakaharap ng desentralisasyon sa bansa?
 
Layunin ng desentralisasyon na mabigyan ang mga tao ng pagkakataong maging aktibo sa pakikilahok sa paggawa ng desisyon, tulad ng pagpili ng mga programa at serbisyo na maaaring mas makatugon sa kanilang mga pangangailangan.
 
Gayunpaman, sa ilalim ng desentralisasyon, nangangailangan ang mga LGUs ng sapat na kakayang teknikal at mga nararapat na institutional arrangements.
 
Dahil sa malawak na kapangyarihang ibinigay sa kanila, mas malaki ang hamon na kinakaharap ng LGUs ngayon. Kailangan nilang suriin ang mga problema, tukuyin ang mga angkop na intervention at ang kanilang target beneficiaries, isagawa ang kanilang sariling pagpaplano at pagbabadyet, ipatupad ang mga proyekto at programa, at suriin ang kanilang mga epekto.
 
Isa rin sa kinakaharap na hamon ng LGUs ang pag-institutionalize ng isang monitoring system sa lokal na antas.
 
[Pinagmulan: Presentasyon ni Atty. Anna Mae Pegregosa ng opisina ng OIC DILG Kalihim Catalino Cuy]
 
7)     Ano ang mga hakbang na ginawa ng pamahalaan upang palakasin ang pagpapatupad ng desentralisasyon sa bansa?
 
Bilang ahensya na nangangasiwa sa mga operasyon ng LGUs, gumawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) o ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal ng mga hakbang upang palakasin ang pagpapatupad ng desentralisasyon sa bansa. Sinasanay, sinusuri, at binigbigyang parangal ng naturang ahensiya ang LGUs sa pamamagitan ng mga reporma at programa tulad ng (1) Seal of Good Local Governance (SGLG), (2) Performance Challenge Fund (PCF), at (3) Assistance to Disadvantaged Municipalities (ADM).
 
Sinusukat ng SGLG ang pagganap ng LGUs sa kanilang tungkulin sa apat na core areas, tulad ng financial administration, disaster preparedness, social protection, at peace and order. Bilang karagdagan sa apat na core areas na ito, dapat na ipasa ng LGUs ang alinman sa mga essential area ng Seal, tulad ng business friendliness and competitiveness, environmental management, at tourism, culture, and the arts.
 
Sa kabilang banda, nagsisilbing namang insentibo ang PCF sa LGUs na pumasa sa SGLG. Ginagamit ito upang pondohan ang mga development project na kinakailangan sa kanilang mga lugar.
 
Samantala, sa ilalim ng ADM, naglilipat ang national government ng mga pondo sa mga munisipalidad pagkatapos nilang makasunod sa mga pamantayan ng good governance standards (tulad ng kawalan ng adverse audit findings), partikular na ang DILG's Seal of Good Financial Housekeeping at ang pagsusuri ng kanilang Public Financial Management Systems gayundin ang pagpapatupad ng nararapat na improvement measures.
 
[Pinagmulan: Batay sa kasalukuyang mga programa ng DILG]
 
Tungkol sa pederalismo
 
8)    Ano ang federal form of government?
 
Isang anyo ito ng pamahalaan kung saan ayon sa Saligang Batas ay ibinabahagi ang sovereignty sa pagitan ng isang central government at political units na kung tawagin ay estado o rehiyon.
 
Sa madaling salita, hinahati nito ang bansa sa mga autonomous na rehiyon kung saan ang central government ang humahawak ng mga interes na nakakaapekto sa buong bansa, tulad ng foreign policy at national defense. Samantala,  may pananagutan naman ang mga autonomous na rehiyon o estado, na nahahati sa LGUs, sa pagpapaunlad ng kanilang local industries, education, health care, public safety, at transportation, bukod sa iba pang gawain.
 
Sa ganitong paraan, higit na may kontrol ang mga estado o rehiyon sa kanilang pananalapi, mga plano sa pag-unlad, at mga batas na eksklusibo sa kanilang hurisdiksyon.
 
Halimbawa ng federal countries ay ang United States of America, Canada, Australia, Brazil, India, at Malaysia.
 
9)     Paano naiiba ang federal form of government mula sa kasalukuyang setup?
 
Sa kasalukuyan, may unitary form of government ang Pilipinas, kung saan nasa sangay ng ehekutibo ng gobyerno ang karamihan sa kapangyarihang pang-administratibo at yaman ng bansa. Sa ilalim ng pamumuno ng Pangulo ng Pilipinas, nagpapasya ang  sangay ng ehekutibo kung gaano kalaking  kapangyarihan at yaman ang ibabahagi sa LGUs.
 
Sa ilalim ng isang Federal system, ibinabahagi ang sovereignty at hinahati ang mga kapangyarihan sa pagitan ng dalawang antas ng pamahalaan, ang state/regional governments at ang federal government, kung saan direktang nakikitungo sa mamamayan ang bawat isa sa pagpapatupad ng kani-kanilang mga kapangyarihan.
 
May kapangyarihan ang federal government na magdesisyon nang malaya alang-alang sa kapakanan ng buong bansa. Gayon din naman ang state/regional governments sa mga bagay na may kinalaman sa kani-kanilang mga teritoryo. Gayunpaman, hindi nila maaring baguhin ang kapangyahihan ng bawat isa nang walang pahintulot ang isa sa kanila.
 
10)      Bakit mahalagang pag-aralan ang ipinanukalang pagbabago tungo sa pederalismo?
 
Sapagkat isusulat sa Saligang Batas ang dibisyon ng mga kapangyarihan sa pagitan ng federal at state governments, dapat na maging maingat ang gobyerno sa pag-aaral ng disenyo ng ganitong uri ng pamahalaan at ang aplikasyon nito sa konteksto ng Pilipinas. Itinataguyod ng PIDS ang multidisciplinary approach sa pagsusuri ng federalism, kabilang ang paglalaan ng mga kapangyarihan at mga yaman sa bawat antas ng pamahalaan.
 
Una, kailangan natin ang maingat na pagsusuri sa pamamahagi ng mga tungkulin sa bawat antas ng pamahalaan sa ilalim ng federal form of government. Karamihan sa federal countries, federal government ang nangangasiwa sa foreign affairs, national defense, macroeconomic at monetary policies, at ang interregional transportation. Sa kabilang banda, pinamamahalaan naman ng state governments ang pagkakaloob ng social services (kabilang ang education at health services), local infrastructure, at pagpapanatili ng peace and order. Samantala, kadalasang nagtutulungan ang dalawa sa mga responsibilidad kaugnay ng agriculture, environment, at natural resources.
 
Dapat ding tukuyin ng Saligang Batas kung aling mga kapangyarihan ang eksklusibo sa federal o state governments at kung saan magtutulungan ang dalawa. Bukod dito, dapat nating malaman kung aling antas ng pamahalaan ang mamamahala sa mga kapangyarihan na hindi malinaw na itinalaga sa kasalukuyang Konstitusyon. Sa pamamagitan nito, mapapatatag ang awtonomiya at pananagutan ng mga pamahalaan sa pagpapatupad ng kanilang kapangyarihan.
 
11)      Ano ang  maaaring maging benepisyo ng paglipat sa federal form of government?
 
Ayon sa  paunang pagsusuri na ginawa ni PIDS Senior Research Fellow Rosario Manasan, isang fiscal policy expert,  ipinapakita nito ang ilang mga potensyal na benepisyo  kung sakaling baguhin ang anyo ng kasalukuyang gobyerno sa pederalismo:
 
a) Tinataguyod ng federal form ang regional diversity. Nilalapit ng federal system ang pamahalaan sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa LGUs na tumugon sa iba't ibang pangangailangan at kagustuhan ng kanilang constituents. Bilang isang archipelago na may higit sa 7,000 isla at 28 dominanteng etnikong grupo, ang Pilipinas ay binubuo ng mga rehiyon na may sariling natatanging mga sitwasyon. Sa ilalim ng pederalismo, sila ay pinapahintulutang lumikha ng mga solusyon sa sarili nilang mga problema, sa halip na ang pambansang pamahalaan ang nagpapasiya para sa kanila.
 
b) Nagpapalaganap din ito ng increased efficiency. Dahil decentralized na ang taxing at spending powers sa mga state government, maaari nilang matukoy at piliin ang paglalaanan ng kanilang sariling mga pondo upang itaguyod ang kanilang sariling pangkaunlaran nang hindi  kailangang aprubahan ng national government. Maaari rin nilang ipatupad ang local economic development strategies, gaya ng tax breaks, upang humikayat ng mas maraming negosyo at lumikha ng mga trabaho.
 
c) Pinapatibay din ng isang federal system ang citizen participation at ang accountability sa lokal na pamamahala. Sa ganitong paraan, mas nagiging kabahagi ang mga tao sa paggawa ng desisyon at sa pagtutukoy ng mga programa na kapaki-pakinabang sa kanilang lugar.
 
12)      Bakit mahalaga ang paglalaan ng financial resources sa bawat antas ng pamahalaan? Ano ang mga prinsipyong gagabay sa pagtatalaga ng taxing powers?
 
May dalawang  dahilan kung bakit mahalaga ang paglalaan ng financial resources sa federal at state governments.
 
Una, ang antas ng alokasyon ng yaman na kanilang matatanggap ay maaaring makatulong o makasagabal sa bawat antas ng pamahalaan sa kanilang pagganap sa kani-kanilang mga responsibilidad. Pangalawa, mahahalagang instrumento ang taxing powers at expenditure para maging maayos ang ekonomiya. Kinakailangang magkaroon ang bawat antas ng pamahalaan ng sapat na "sariling" kita upang pondohan ang kanilang mga pampublikong serbisyo. Mahalagang elemento ito sa pagtataguyod ng local accountability sa kanilang mga nasasakupan.
 
Mainam na italaga sa federal government ang (1) mga buwis na maaaring maibahagi sa mga residente ng ibang mga hurisdiksyon o mga nakakasagabal sa interjurisdictional trade, (2) mga buwis kaugnay ng mobile factors ng produksyon, at (3) redistributive taxes tulad ng personal income tax. Samantala, mas makakabuti namang italaga sa state governments ang mga buwis kaugnay ng immobile factors at user charges.
 
13)     Paano nagtatalaga ang mga bansang may sistemang pederal ng mga taxing power sa kanilang mga federal at state government?
 
Sa lahat halos ng federation, nakatalaga ang karamihan ng revenue sources sa federal government. Mahalaga ang nasabing konsentrasyon ng resources upang maisagawa ng federal government ang redistributive role nito at mapanatili ang katatagan ng ekonomiya at kaunlaran. Maaaring dahil din ito sa mas mataas na pagtingin sa efficiency ng federal level tax administration agencies.
 
Tinutukoy ng karamihan sa mga Federation sa kanilang mga konstitusyon ang revenue-raising powers ng dalawang antas ng pamahalaan, tulad ng:
 
(a) Kadalasang nakatalaga ang mga customs at excise tax sa federal government upang matiyak ang effective internal custom at economic union.
 
(b) Kadalasang nakatalaga ang corporate taxes sa federal government dahil maaaring tumawid ang mga korporasyon sa hangganan o boundary ng mga estado. Hindi rin sumasalamin ang lokasyon ng kanilang punong-tanggapan sa mga  na pinagkukunan ng kanilang kita. Gayunpaman, sa ilang mga pederasyon, maaaring nasa ilalim ng parehong federal at state governments ang buwis na ito.
 
(c) Bagaman inuugnay ito kadalasan sa lokasyon ng tirahan, kadalasang magkahati sa personal income tax ang parehong federal at state governments Ngunit sa ilang bansa, tulad ng Austria at India, ito ay napupunta federal government.
 
(d) Kadalasan namang hinahati ang sales/consumption taxes sa pagitan ng federal at state government.
 
14)     Isa pang isyu sa ipinanukalang shift sa federal system ang pagmamay-ari at pamamahala ng mga likas na yaman. Bakit kailangang lubusang pag-aralan ang isyung ito?
 
Karaniwang hindi pantay ang pagkakabahagi ng mga likas na yaman sa buong bansa. Dahil nakabase sa pagmamay-ari o pagkontrol ng mga yaman na ito kung sino ang nakakakuha ng kita mula sa paggamit sa kanila, maaari itong magresulta sa hindi pantay na pag-unlad ng ekonomiya na maaaring makapinsala sa katatagan ng pederasyon. Pinapakita nito ang kahalagahan ng isang masusing pagsusuri sa pagtatalaga ng pagmamay-ari at pagkontrol sa naturang mga yaman sa pagitan ng federal at state governments.
 
15)     Isa pang isyu sa pederalismo ang hindi pantay na fiscal development sa mga estado. Maaaring hindi handa ang ilang mga estado para sa awtonomiya kagaya ng iba. Paano natin maiwawasto ang kawalan ng balanseng ito?
 
Susi ang pagdidisenyo ng mahusay na transgovernmental transfers sa pagtugon sa mga problemang maaaring maging bunga ng hindi pantay na fiscal development. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng tax shares, unconditional block grants, o specific-purpose conditional grants para tulungan ang mga mahihirap na estado. Ngunit maaaring mabawasan din ng conditional grants ang awtonomiya ng mga estado.
 
Isa ring paraan ang equalization arrangement na kasalukuyang ginagawa sa ilang mga federation tulad ng Germany, Canada, at Switzerland. Maaari itong formula-based na kasama ang measures ng fiscal capacity (Switzerland, Canada, Belgium), expenditure need-based (halimbawa ang Australia na pinangangasiwaan ng Commonwealth Grants Commission), o kumbinasyon ng mga indicator ng revenue capacity at expenditure need (halimbawa, Espanya). Maaari rin itong batay sa mga rekomendasyon ng isang independent finance commission (Indya) o isang National Finance Council (Malaysia).
 
Mga inisyatibo sa federalism at desentralisasyon
 
16)     Mayroon bang mga mungkahi kung paano maaaring ipatupad ng ating gobyerno ang pederalismo?
 
Oo. Sa katunayan, mayroon nang ilang mga panukala tungkol sa uri at anyo ng pederalismo na maaaring ipatupad sa bansa.
 
a) Panukala ng PDP-Laban
 
Sa kasalukuyan, tinutulak ng PDP-Laban, sa pamamagitan ng presidente nitong si Aquilino Pimentel III, ang isang semi-presidential executive-legislative setup sa ilalim ng federal system of government (na may 11 na rehiyon) kung saan bibigyan ng kapangyarihan ang pangulo at ang prime minister.  Magkakaroon ang pangulo, bilang head of state, ng kapangyarihan sa mga pambansang isyu tulad ng military, foreign affairs, at national defense. Samantala, magsisilbi namang head of government ang prime minister at magkakaroon ito ng kapangyarihan sa domestic issues. Magiging responsable naman ang mga senador, na kumakatawan sa 11 na rehiyon, sa mga isyu tulad ng national budget, national defense, at foreign affairs.
 
Sa ilalim ng panukalang ito, magkakaroon ng dalawang order ng pamahalaan—ang federal at regional.  Tutugon ang federal government sa mga isyu patungkol sa buong bansa habang ang regional government naman ang may tungkulin sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga tao. Magkakaroon din ng pagkakataon na magbabahagi ang dalawa ng mga kapangyarihan. Inaasahan ding sa ganitong setup ay tataas ang revenue shareng mga regional government.  Sa isang Senate press release, sinabi ni Pimentel na "uniquely Filipino" ang naturang panukala.
 
Naghahanda rin ang PDP-Laban Federalism Institute ng draft federal constitution na isusumite sa Kongreso. Hinimok din ng DILG ang LGUs na magsagawa ng mga forum tungkol sa pederalismo sa mga barangay para mas maging inclusive ang pagpapanukala dito.
 
b) Iba pang mga panukala
 
Mayroon ding panukala mula kay Aquilino Pimentel Jr.-isang matatag na tagapagtaguyod ng federalism at isa sa mga tagapagtatag ng PDP-Laban-upang hatiin ang Pilipinas sa 11 federal states.  Hindi man ito makakaapekto sa kasalukuyang congressional districts, ihahalal pa rin ang mga senador mula sa bawat estado.
 
Mula sa Citizens’ Movement for a Federal Philippines (CMFP) ang isa pang panukala na tinitingnan ang pederalismo bilang isang "panlunas sa nasisirang relasyon sa pagitan ng Muslim groups at Philippine government" (Cureg at Matunding 2006). Bagaman katulad nito ang panukala ni Pimentel sa mga tuntunin ng bilang ng mga estado, nais nito ang isang "federal-parliamentary form of government".
 
17)     Mayroon bang mga panukalang nakahilig sa desentralisasyon at iba pang mga uri nito sa halip na federalism?
 
May mga eksperto na nagsasabing hindi na natin kailangan ng federal form of government o baguhin ang 1987 Constitution kung ang layunin ay i-decentalize ang kapangyarihan ng Metro Manila o para mas maging maayos ang pamamahagi ng yaman sa mga rehiyon. Halimbawa, sinabi ni retired Supreme Court Justice Vicente Mendozanoong Abril ngayong taon na sa pamamagitan ng kasalukuyang anyo ng ating pamahalaan, 1987 Constitution, at Local Government Code ay makakamit natin ang desentralisasyon. Samantala, iminungkahi ng dating University of the Philippines President Jose Abuevana baguhin na lamang ang ilang probisyon ng 1987 Constitution.
 
18)     Mayroon bang mga patuloy na pagsisikap upang itulak ang pederalismo?
 
Upang maipatupad ang pederalismo, kinakailangang maamyendahan muna ang Saligang Batas sa pamamagitan ng alinman sa tatlong sumusunod: Constituent Assembly, Constitutional Convention, at People’s Initiative.
 
Sa mga nakaraang taon, nagkaroon ng maraming resolusyon sa parehong kapulungan ng Kongreso upang isulong ang reporma sa konstitusyon na magtatag ng isang federal form of government. Noong October 2016, halimbawa, naipasa sa committee level ang isang resolusyon upang hikayatin ang ika-17 Kongreso upang gawin nitong isang Con-Ass ang kongreso.
 
Sa pagtatapos ng 2016, inilabas ni Pangulong Duterte ang Executive Order (EO) 10 na lumikha ng isang 25-member committee na mag-aaral, masagsagawa ng konsultasyon, at magsusuri sa mga probisyon ng 1987 Constitution. Dapat nitong maipresinta ang resulta ng pag-aaral anim na buwan matapos ang pagpapalabas ng EO, upang magamit ito ng Kongreso habang tinatalakay nito ang mga pagbabago sa Saligang Batas.